Kahoy, Yero, Trapal, at Nitso | Prosa
Written by Daniella Y. Phonbun
May malaking bilang ng populasyon sa Pilipinas ang nakatira sa sementeryo. Sa Manila North, na may pinakamalaki at pinakamatandang sementeryo, may humigit kumulang 800 pamilya ang sinusubukang mabuhay kasama ng mahigit isang milyong mga patay. Ang pahingahan nila ay sa taas ng mga nitso. Bagamat kadalasan ay gawa sa semento at marmol, hindi alintana para sa kanila ang mahimbing kasama ng mga wala nang kaluluwa. Sa umaga, may mga kainan at munting tindahan ang madaratnan. Gawa sa kahoy, yero, at trapal ang mga tuluyan — at ang mga puntod ang tanging matibay na pundasyon ng kanilang mga tahanan. Hindi na kailangan mag-commute upang pumasok sa trabaho ang mga taga rito, sapagkat sa paglilinis ng libingan at sa pagbebenta ng bulaklak ay naigagapang nila ang kanilang mga pamilya at pangangailangan. Hindi ito sasapat, kaya ang paghukay ng lupa at ng mga libingan ang kanilang sideline. Nasa loob na rin ang pampalipas oras ng mga bata; ang mga tunaw na kandila ay kanilang ihuhulma upang paglaruan o pagkakitaan. Sa bawat araw, saksi ang kanilang mga mata sa mga kabaong na idinadala. Sa katunayan, hindi ang mga kaluluwa ang nakapaninindig ng balahibo para sa kanila, kung hindi ang katotohanang mahirap at wala nang ibang lugar upang kanilang tuluyan kung kaya’y sinusubukan na lamang nilang mabuhay sa harap ng mga patay. Ano na lamang ba ang hirap na pinagdaanan nila at na sa huling hantungan na agad ang kanilang mga paa?